El filibusterismo buod kabanata 1-13
Kabanata 1: Sa Ibabaw ng Kubyerta
Umaga ng Disyembre, ang bapor tabo ay naglalakbay sa liku-likong daan ng Ilog Pasigpatungong Laguna. Sakay sa bapor sina Donya Victorina, Don Custodio, Benzayb, Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, Padre Irene, at si Simoun. Paksa sa usapan nila ang pagpapatuwid ng Ilog Pasig at ang mga gawain ng Obras del Puerto. Nagmungkahi si Simoun na maghukay ng isang tuwid na daan mula pagpasok hanggang sa paglabas ng Ilog Pasig. Ang mga lupang nahukay ay siyang gagamitin upang takpan ang dating ilog. Pagtatrabahuhin ang mga bilanggo upang hindi mag-aksaya ng malaking halagang pera. Kung hindi sapat ay pagtatrabahuhin din ang mamamayan ng sapilitan at walang bayad. Hindi sinang-ayunan ni Don Custodio ang paraang iminungkahi ni Simoun dahil maaari itong magsimula ng himagsikan. Sa halip, pilitin na mag-alaga ng itik ang lahat ng naninirahan malapit sa Ilog Pasig. Sa gayon ay lalalim ang lawa sa kanilang pagkuha ng susong pagkain ng pato. Ito’y hindi rin sinangayunan ni Donya Victorina dahil dadami ang balot na pinandidirihan niya.
Kabanata 2: Sa Ilalim ng Kubyerta
Marami ang sakay sa ilalim ng kubyerta. Katabi nila ang mga maleta, tampipi, at bakol.
Malapit sila sa makina at init ng kaldero kung kaya’t halu-halo na ang mabahong singaw ng
langis at singaw ng tao. Kabilang sa naroon sina Basilio, Isagani, at Kapitan Basilio.
Tungkol naman sa Akademya ng Wikang Kastila ang paksa ng usapan nila. Sinabi ni Basilio
na magbibigay ito ng salapi, ngunit ang magtuturo ay kalahating Pilipino at kalahating
Kastila. Ang bahay naman ay magmumula kay Makaraeg.
Bumaba si Simoun sa ilalim ng kubyerta at lumapit sa magkaibigan Isagani at Basilio.
Pinakilala ni Basilio si Isagani kay Simoun. Hindi tinanggap ng magkaibigan ang paanyaya ni
Simoun na uminom ng serbesa.
Binanggit ni Basilio na ayon kay Padre Camorra kulang sa lakas ang mga Pilipino dahil ito ay
palainom ng tubig at hindi ng serbesa. Sinagot ito ni Isagani, aniya ang tubig ay matamis at
naiinom ngunit lumulunod sa serbesa at pumapatay ng apoy.
Habang nag-uusap ay may dumating na utusan. Pinapatawag ni Padre Florentino ang
kaniyang pamangkin na si Isagani. Ayon sa iba ay anak daw ito ni Padre Florentino sa dating
katipan nang mabalo.
Kabanata 3: Alamat ng Ilog Pasig
Nang dumating si Padre Florentino ay tapos na ang naganap na pagtatalo. Nagbubulungan
ang mga prayle at pinag-uusapan ang pagtutol ng mga Pilipino sa pagbabayad ng buwis at
bayarin sa simbahan.
Habang nag-uusap ay dumating si Simoun. Pinanghinayangan ni Don Custodio dahil hindi
nakita ni Simoun ang tanawin habang naglalakbay ang bapor.
Ani Simoun walang halaga ang magandang tanawin kung ito’y walang alamat. Sumagot si
Don Custodio at sinabing may mga alamat ang nasabing ilog. Unang isinalaysay ni Don
Custodio ang alamat ng Malapad na Bato.
Noong hindi pa nakakarating sa Pilipinas ang mga Kastila ay sinasamba ng mga tao ang
Malapad na Bato na pinaniniwalaang tirahan ng mga espiritu. Ito ay nagsimulang maging
tirahan ng mga tulisan na humaharang sa mga bangka nang mawala na ang pamahiin na
iyon.
Ikinuwento naman ni Padre Florentino ang alamat ng yungib ni Donya Geronima. Si Donya
Geronima ay tumandang dalaga dahil sa pag-iintay nito sa kaniyang kasintahan. Nag
arsobispo ang lalaki at pinatira naman niya ang Donya sa isang yungib.
Nagsalaysay naman si Padre Salvi ng ginawang himala ni San Nicolas kung saan ay nagawa
nitong maging bato ang isang buwaya.
Habang nag-uusap ang lahat ay may nabanggit si Ben Zayb tungkol sa pagkamatay ni
Crisostomo Ibarra. Itinuro ng kapitan ng bapor kung saan tinugis si Ibarra labing-tatlong taon
na ang nakalipas.
Kabanata 4: Si Kabesang Tales
Si Telesforo o mas kilala sa tawag na Tales ay anak ni Tandang Selo. Inalagaan niya ang isang
bahagi ng kagubatan dahil sa palagay niya ay walang nagmamay-ari nito. Kasama niya roon
ang kanyang ama, asawa, at mga anak.
Pinamuhunan niya ito kahit walang kasiguraduhan ang pag-unlad niya dito. Subalit malapit
na sana nilang anihin ang mga unang tanim nang biglang inangkin ito ng korporasyon ng
mga pari. Hinihingian ng nasabing korporasyon si Tales ng dalawampu o tatlumpung piso
kada taon.
Tinanggap ni Tales ang utos na ito dala narin ng kanyang natural na kabaitan. Habang
lumalaki ang kanyang ani ay lumalaki din ang hinihinging buwis ng korporasyon.
Nagkaisa ang kanyang mga kanayon na gawin itong Kabesa ng barangay dahil kita naman
ang naging pag-unlad nito. Plano sana niyang pag-aralin ang kaniyang dalaga sa Maynila
ngunit ito ay di nangyari dahil sa taas ng buwis.
Nang umabot sa dalawang daang piso ang buwis na hinihingi ng korporasyon ay napilitan na
itong tumutol. Ngunit tinakot siya ng nangangasiwa na kung hindi ito makakapagbayad ng
buwis ay sa iba nalang ipapatanim ang lupa.
Naubos na ang kanyang salapi sa pakikipaglaban sa hukuman subalit nanatili parin itong
bigo. Madalas siyang may dala-dalang baril sa tuwing pupunta sa bukid upang ipagtanggol
ang sarili kung sakaling may tulisan.
Pagkaraa’y ipinagbawal ang baril kaya gulok naman ang dinala nito. Sinamsam ang dala
nitong gulok kaya palakol naman ang sunod na dinala. Nabihag si Tales ng mga tulisan at
ipinapatubos ito sa halagang limang daang piso.
Napilitang ipagbenta ni Huli ang lahat ng kaniyang alahas maliban sa agnos na bigay ni
Basilio. Ngunit hindi parin ito sapat upang matubos si Tales kaya namasukan ito bilang
utusan.
Nalaman ni Tandang Selo ang ginawang iyon ni Huli kaya hindi ito nakakain at nakatulog
nang gabing iyon. Sa halip ay umiyak lang ng umiyak ang matanda.
Kabanata 5: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero
Dumating si Basilio sa San Diego habang kasagsagan ng prusisyon. Naabala ito sa daan nang
bugbugin ang kutserong kaniyang sinasakyan noong dumaan sa kwartel. Nalimutan ni
Sinong na dalhin ang kanyang Sedula.
Iniutos ni Basilio na palakarin nalang ang kaniyang sinasakyan nang makaraan ang
prusisyon. Nalibang ito sa mga nakikita niya habang naglalakd kung kaya’t hindi na niya
napansin ang pagkawala ng ilaw sa parol ng karitela. Nang muling mapatapat sa kwartel ay
nabugbog ulit ang kutsero dahilan kung bakit naglakad nalang ito.
Tanging ang bahay ni Kapitan Basilio ang nag-iisang masaya sa lahat ng nadaanan niya.
Nagulat ito nang makita niyang kinakausap ni Kapitan Basilio, kura, at alperes si Simoun.
Nagpatuloy ito sa paglalakad hanggang sa makarating sa tahanan ni Kapitan Tiago na
kaniyang tinutuluyan.
Nalaman niya ang balitang pagkabihag kay Tales dahilan kung bakit hindi ito nakakain ng
gabing iyon.
Kabanata 6: Si Basilio
Hatinggabi nang palihim na tumungo si Basilio sa kagubatan na pagmamay-ari ni Ibarra na
nabili naman ni Kapitan Tiago. Tumigil si Basilio sa bunton ng mga batong malapit sa
kinalalagyan ng punong balite, kung saan nakalibing ang kanyang ina.
Sa tuwinang umuuwi si Basilio sa bayan na iyon ay una niyang dinadalaw ang yumaong ina
ng palihim. Muli nitong naalala ang pagkamatay ng ina at ng lalaking sugatan na si Elias
labingtatlong taon na ang nakaraan.
Sa pamamagitan ng perang ibinigay ni Elias ay lumisan si Basilio sa bayan na iyon at
nagtungo sa Maynila. Walang sinuman ang tumanggap dito dahil sa ito ay may sakit,
marumi, at gula-gulanit na kasuotan.
Nagtangka siyang magpasagasa sa dumadaang sasakyan mabuti’t nakita siya ni Kapitan
Tiago. Dito ay pumasok siya bilang alila nang hindi binabayaran. Pinahintulutan ni Kapitan
Tiago na mag-aral si Basilio sa San Juan de Letran.
Mula ng pumasok si Maria Clara sa kumbento ay kinamuhian na ni Kapitan Tiago ang mga
pari. Pinalipat ito sa Ateneo Municipal at mas lalo pang nagpakadalubhasa sa pag-aaral.
Ngayon ay nasa huling taon na siya sa Medisina. Dalawang buwan pa at magiging isang
ganap na doktor na si Basilio. Pagkatapos ay muling babalik sa bayan at papakasalan si Huli.
Kabanata 7: Si Simoun
Pabalik na si Basilio ng bayan nang may nabanaag na liwanag sa gubat at may narinig na
mga yabag. Pumunta ang anino sa kanyang kinaroroonan. Nagtago ito at nakitang nandoon
si Simoun na mag-aalahas. Inalis nito ang kanyang salamin at nag-umpisa sa paghuhukay.
Habang pinapanood ni Basilio si Simoun ay may nagbalik na ala-ala sa kanya labing tatlong
taon na ang nakalipas. Siya ang tumulong sa paglilibing sa kaniyang ina na si Sisa at kay Elias.
Nagulintang si Basilio sa kanyang natuklasan ngunit ito ay lumapit upang tumulong nang
makita niyang pagod at patigil-tigil na si Simoun sa paghuhukay. Nagpakikila si Basilio at
sinabing tinulungan siya nito na ilibing ang bangkay ng kanyang ina at ni Elias kaya’t siya
naman ang nagbigay ng tulong kay Simoun.
Binalak ni Simoun na patayin si Basilio upang manatili ang kanyang lihim ngunit alam niyang
parehas lang sila ni Basilio na nais makapaghiganti. Ipinagtapat ni Simoun kay Basilio ang
kaniyang ginawa sa loob ng paaralan ng wikang Kastila.
Hiningi niyang gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas at bigyan ng pantay na pantay na
karapatan ang mga Pilipino at Kastila. Ayon kay Simoun ang mga hiling na ito ay ang pagpawi
sa kanilang pagkamamamayan at pagkapanalo ng mga naniniil.
Dagdag pa niya, ang pagdadagdag ng isa pang wika ay hahantong sa di pagkakaunawaan.
Taliwas naman ang paniniwala ni Basilio. Aniya ang Kastila ang siyang magbubuklod sa mga
pulo at makakapagpalapit sa mga Pilipino sa pamahalaan.
Hindi sinang-ayunan ni Simoun ang sinabing ito ni Basilio. Ani Simoun ang wikang Kastila ay
kailanma’y hindi magiging wika ng pangkalahatan dahil bawat bayan ay may sariling wika na
kaugnay sa damdamin at kaugalian nito.
Sa huli ay hinikayat ni Simoun si Basilio na makisali sa kanyang planong paghihimagsik laban
sa pamahalaan ng Kastila. Ngunit hindi pinaunlakan ni Basilio ang panghihikayat ni Simoun
dahil naniniwala ito na walang katapusan ang karunungan. Ang galing ng tao ang siyang
magiging paraan upang maging malaya ang lahat ng tao.
Kabanata 8: Masayang Pasko
Madilim pa ay gising na si Huli. Naisip niya na baka gumawa ng himala ang Birhen kaya hindi
sumisikat ang araw. Ngunit mali siya dahil sumikat ang araw.
Sunod naman niyang tinignan ang ilalim ng imahen ng Birhen upang silipin kung may salapi
ngunit nanatili itong bigo. Dahil sa magkasunod na pagkabigo ay inaliw nalang ni Huli ang
kanyang sarili.
Malapit lang ang kanyang paglilingkuran na tahanan at balak nitong umuwi tuwing
makalawa upang dalawin ang kaniyang lolo. Iniayos ni Huli ang kanyang tampipi at agad na
lumapit sa kanyang lolo na si Tandang Selo upang halikan ang kamay nito.
Ibinilin ni Huli kay Selo na sabihin sa kanyang ama na siya ay napasok sa pinakamurang
kolehiyo. Dali-daling umalis si Huli ang makita nitong natitigmak na sa luha ang kaniyang
lolo.
Araw ng Pasko, marami ang dumalaw na kamag-anak ni Selo. Ngunit marami ang nagtaka
dahil hindi makapagsalita si Selo kahit isang kataga. Ito’y napipi.
Kabanata 9: Si Pilato
Mabilis na kumalat ang balitang pagkapipi ni Tandang Selo. Nang marinig ni Hermana
Penchang, amo ni Huli ay sinabing iyon ay parusa ng langit dahil hindi marunong magdasal
ang dalaga.
Nang mabalitaan din nito ang pagluwas ni Basilio upang kumuha ng perang pantubos kay
Huli ay higit itong nangamba sa kaligtasan ng dalaga. Si Hermana Penchang ay may
paniniwalang ang mga kabataan na nag-aaral sa Maynila ay nasasawi at nagsasama pa ng
iba.
Iniutos ni Hermana Penchang kay Huli na basahin ng paulit-ulit ang aklat na may pamagat na
“Tandang Basiong Makunat” at ibinilin na makipagkita lagi sa pari upang maligtas nag
kaluluwa nito.
Sa kabilang dako ay nagdidiwang ang mga pari dahil sa pagkapanalo sa usapin. Nang
dumating si Tales buhat sa pagkabihag ng mga tulisan ay naipamigay na sa iba ang kaniyang
lupain.
Nakatanggap din siya ng kautusan na lisanin ang kanilang tirahan sa loob ng tatlong araw.
Walang ginawa si Tales kundi tahimik na nakaupo sa tabi ni Selo maghapon.
Kabanata 10: Kayamanan at Karalitaan
Si Simoun ay nagtungo sa bahay ni Kabesang Tales upang magbili at makipagpalitan ng
alahas. Kabilang sa mga mamimili sina Kapitan Basilio, ang kanyang asawa at anak na si
Sinang, at si Hermana Penchang.
Marami ang humanga nang ilabas ni Simoun ang mamahaling hiyas. Marami ang nagsibili.
Inalok ni Simoun na bilihin ang agnos ni Maria Clara na napunta kay Huli, ngunit kailangan
munang puntahan ni Kabesang Tales si Huli upang isangguni ang tungkol dito.
Nangakong babalik ito bago mag takipsilim ngunit hating gabi na ay di parin bumabalik si
Tales. Nakatulog si Simoun sa kakaintay.
Nang magising kinaumagahan ay wala na ang dala niyang rebolber ngunit may isang liham
na mula kay Tales.
Ayon sa sulat, kinuha ni Tales ang rebolber dahil kailangan niya ito sa panunulisan sa halip
iniwang kapalit ni Tales ang agnos ni Maria Clara.
Kabanata 11: Sa Los Baños
Pumunta ang Kapitan Heneral sa Busobuso upang mangaso kasama ang banda ng musiko.
Ngunit wala itong nahuli kaya ipinag-utos din na bumalik sa Los Baños.
Naglaro si Kapitan Heneral kasama sina Padre Irene, Padre Sibyla, at Padre Camorra ng
tresilyo. Sinadyang magpatalo ng dalawang pari upang mabigyang kasiyahan ang heneral,
habang galit naman si Padre Camorra.
Hindi lingid sa kaalaman ni Padre Camorra ang sadyang pagpapatalo ng dalawa ay para sa
akademya ng wikang Kastila na nais ipatayo ng mga mag-aaral. Nagkaroon ng talakayan at
pagtatalo tungkol dito ang mga prayle at si Simoun.
Sumang-ayon din ang Kapitan Heneral na palayain si Tandang Selo.
Kabanata 12: Placido Penitente
Masama ang loob ni Placido Penitente habang patungo sa Pamantasan ng Sto. Tomas.
Dalawang beses nang sinulatan ng liham ang kanyang ina upang sabihin na nais na niyang
tumigil sa pag-aaral ngunit sinabi nitong magtiis pa ng konti dahil malapit na itong
magtapos.
Habang naglalakad ay sinalubong ito ni Juanito Pelaez na noo’y naatasan upang mangolekta
ng ambag para sa pagpapatayo ng bantayog ng isang paring Dominiko.
Nang papasok na ay may tumawag sa kaniya upang lagdaan ang isang kasulatan na
tumututol sa pagpapatayo ni Makaraeg ng akademya ng wikang Kastila.
Hindi naman ito nilagdaan ni Placido dahil wala itong panahon upang basahin ang nasabing
kasulatan. Natawag na ng propesor ang pangalan nito nung siya ay pumasok.
Upang mapansin ay nilakasan niya ang tunog ng kaniyang takong. Tiningnan siya ng kanyang
propesor na may lihim na pagbabanta.
Kabanata 13: Klase sa Pisika
Ginaganap ang klase sa pisika sa isang bulwagang pahaba na may bintanang rehas. Meron
ditong gabinete na naglalaman ng mga kagamitang pampisika ngunit ito ay inilalaan lamang
sa mga panauhing dumadalaw at hindi sa mga mag-aaral.
Ang dominikanong pari na si Padre Millon ang siyang propesor sa pisika. Tungkol sa salamin
ang diskusyon sa araw na iyon. Unang tinawag ang isang antuking estudyante ngunit nang
hindi makasagot ay tinawag ng propesor si Juanito Pelaez.
Nang walang mabulong na sagot sa kaniya si Placido Penitente ay inapakan nito ang kanyang
paa dahilan kung bakit napasigaw si Placido dahilan naman kung bakit ito sunod na tinawag.
Wala ding maisagot si Placido kaya nilait ito ng kanyang propesor. Galit na umalis si Placido
sa bulwagan matapos magkaroon ng sagutan sa pagitan niya at ng pari.