Kabanata 26 Bisperas ng Pista
IKA-10 ng Nobyembre at bisperas ng kapistahan sa San Diego. May gayak na pangpiyesta ang plaza at simbahan, may limang banda ng musiko at tatlong orkestra sa paligid, maraming tao at may mga kuwitis at bomba na pinapuputok. May mahahabang mesa na puno ng pagkain, minatamis at kakanin. Ang mga bahay ay napapalamutian ng mga banderitas. Mas kapansin- pansin ang ginagawang paghahanda ng mga mayayaman. May handa silang mga pagkaing nabibili lamang sa Maynila at ang mesa ay puno ng inuming nakalalasing gaya ng mga imported na alak tulad ng serbesa at champagne, May naghahanda a pa ng hamon na galing ng Europa at Tsina, relyenong pabo at atsarang papaya. May mga minatamis na nakasilid sa lalagyang kristal. Kumpleto sa mga napapanahong prutas ang mahabang mesa gaya ng tsiko, mangga, lansones at iba pa. Inilalabas ang mga mahahaling plato, tasa, baso, at mga kubyertos na pilak. Mayroong lalagyan ng mga tabako, hitso at sigarilyo. Ang ilawang kristal ay ginagamit lamang tuwing ganitong okasyon at lamparang de gas naman para sa mga wala nito. Naglalabasan rin ang kanya-kanyang burdadong kurtina, ginantsilyong belo at alpombra. Pinaghahandaan ng bawat pamilya ang mga panauhing kababayan at mga dayong mamimiyesta. Lahat ay abala sa paglilinis ng bahay at paggagayak ng mga palamuting bulaklak, parol na papel sa bintana at mga santong bagong bihis. Itinatayo ang mga arkong kawayan na tinatawag na singkaban at pinalilibutan ng mga bulaklak na gagamitin sa prusisyon. Ang patyo ng simbahan ay napapaligiran ng tolda dahil dito nagtitipon-tipon ang mga tao at dito nagaganap ang simula ng prusisyon. May itinatayong malaking entablado para sa pagtatanghal ng dula at komedya.
Bisperas pa lamang ng piyesta'y manaka-nakang tumutugtog ang kampana at mga kuwitis na nagpuputukan. Patakbong sinasalubong mga bata sa lansangan ang bawat banda ng musikong nagdaraan na hindi magkamayaw sa pagtugtog dahil sunod-sunod ang mga ito. Nagdaratingan ang mga bisita at mga dayo sakay ng karumata, kalesa at mga pangmayayamang karwahe. May mga panauhin ding dumarating na may dalang mga sasabunging manok. Kasama ng mga mananabong na mayaman ang kanilang mga utusan dala ang sako o bulsikot na may lamang salapi o ginto. Ang mga mananabong na mayaman ay tinatawag na tahur. Si Kapitan Tiago ang namumukod sa mga tahur na a siyang magbabangka, si Kapitan Joaquin ay may dalang labingwalong libong piso at ang Intsik na si Carlos naman ay namumuhunan sa halagang sampung libong piso. Bahagi ng piyesta ang sabong at sa panahong ito ay handa ang mayayaman na manalo o matalo sa ruweda ng sabungan.
Si Padre Damaso ang naatasang magmisa at magsermon sa araw ng kapistahan.
Samantalang sa kabila ng pagiging abala at paghahanda ng lahat, bukod tanging si Crisostomo Ibarra lamang ang hindi naghahanda sa pagsalubong ng pista at sa halip ay abala ang isip sa paghahanda ng mga kailangan upang mayari ang sementadong pundasyon ng mga haligi ng ipatatayong gusali ng paaralan. Si Nol Juan ang nangangasiwa sa pagtatayo ng gusali. Ito na rin ang nagpapaliwanag sa mga nag-uusyoso.
"Ito'y isang malaking paaralan na nahahati sa dalawang bahagi, ang isa'y para sa mga mag-aaral na lalaki at ang isa'y para sa mga mag-aaral na babae. Ang paaralang ito'y kahalintulad ng isang paaralan sa Alemanya na ang gumawa'y ang arkitektong si Ginoong R. Sa pinakagitna ng gusali ay magkakaroon ng daluyan ng tubig na tila magiging ulan. Ang mga bakod ay tataniman ng mga punong kahoy. Magkakaroon din ng halamanan ang mga mag-aaral na maaaring pagtaniman ng halamang kapaki-pakinabang. Magkakaroon ng ilalim ang gusali para sa ganoon ay may paglalagyan ang mga batang tamad magsipag-aral. Ang malaking bakuran ay laruan ng mga bata at gagamitin din sa kanilang pag-eehersisyo. May sariling halamanan ang mga mag-aaral na babae na lalagyan pa ng mga upuang bato. Marami ang tumutulong kay Ginoong Crisostomo. Magiging padrino ang kura na humiling ding siya na ang magbabasbas sa paglalagay ng unang bato sa mismong araw ng kapistahan."
Marami ang humahanga sa naging plano ng paaralan at tumanggap si Crisostomo ng maraming papuri sa mga dayuhan at maging sa mga kababayan. Sa kabila ng lahat ay may lihim pa ring tumutuligsa kay Crisostomo. Nagkausap sina Crisostomo Ibarra at Pilosopong Tasyo at sinabi niyang dapat na mapawi ang pangamba ng matandang lalaki. Malugod na tinanggap ng pantas ang winika ni Crisostomo bagama't ginamit niya ang isang pariralang hango kay Balagtas, "Kung ang isasalubong sa iyong pagdating ay masayang
mukha't may pakitang giliw, lalong pakaingata't kaaway na lihim."
TALASALITAAN
1. napapalamutian
2. patio
3. padrino
4. singkaban
5. tahur